
NEWS RELEASE
Department of Migrant Workers
17 October 2025
MANILA, Philippines — Ligtas at nasa pangangalaga na ng Migrant Workers Office (MWO) sa Hong Kong ang dalawang overseas Filipino workers (OFWs) na napaulat na nawawala simula Oktubre 4, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac sa press briefing nitong Biyernes, Oktubre 17.
Kinilala ang dalawang OFW na sina Imee Mahilum Pabuaya, 24 taong gulang, at Aleli Perez Tibay, 33 taong gulang. Ayon sa ulat, huli silang nakita sa Lung Mun Country Trail sa Tsuen Wan matapos mag-hiking.
Matapos ang ilang araw na paghahanap, natagpuan sila ng mga awtoridad bandang 10:30 n.g. nitong Huwebes, Oktubre 16, at dinala sa Sha Tin Police Station. Agad namang nagtungo ang MWO-Hong Kong upang tulungan sila at ligtas na silang dinala sa tanggapan ng MWO bago maghatinggabi.
“Rest assured, they are both in good condition, safe and sound, at nasa pangangalaga ng ating Migrant Workers Office sa Hong Kong,” ani Secretary Cacdac. “Kasalukuyan silang binibigyan ng psychosocial counseling at sasailalim sa medical check-up ngayong araw.”
Dagdag pa niya, na-terminate rin ang kanilang kontrata sa trabaho, ngunit tinutulungan sila ng DMW sa pagkuha ng kanilang mga gamit at sa pakikipag-ugnayan sa dating employer. “‘Yun ang sabi nila, ‘yun ang version nila. Kakausapin pa natin sila nang mas detalyado at hihingi tayo ng sinumpaang salaysay,” paliwanag niya.
Kung kinakailangan, handa rin ang DMW na asikasuhin ang kanilang agarang repatriation pabalik ng Pilipinas.
Pinaalalahanan ni Secretary Cacdac ang mga OFW na maging maingat sa mga outdoor activities at siguraduhing may sapat na koordinasyon at komunikasyon sa mga kakilala o opisina ng gobyerno bago umalis.
“Importante na alam ng ating mga kababayan kung paano makontak ang ating Migrant Workers Office (MWO), Philippine Consulate General, at iba pang hotline sakaling may emergency,” paalala ni Cacdac.
Maaaring kontakin ang MWO-Hong Kong sa +𝟴𝟱𝟮 𝟮𝟴𝟲𝟲 𝟬𝟲𝟰𝟬 o mag-email sa 𝗺𝘄𝗼-𝗵𝗼𝗻𝗴𝗸𝗼𝗻𝗴@𝗱𝗺𝘄.𝗴𝗼𝘃.𝗽𝗵 para sa agarang tulong o impormasyon.
Dagdag pa ni Cacdac, agad ding inabisuhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sa pangunguna ni Administrator Atty. Patricia Yvonne Caunan, ang pamilya ng dalawang OFW habang isinasagawa ang search and rescue operation.
“Salamat sa ating mga team sa Hong Kong at sa lokal na pamahalaan doon. Dahil sa kanilang mabilis na pagtugon, ligtas na ngayon ang ating mga kababayan,” pagtatapos ni Cacdac.
#DMWPHL
#TahananNgOFW
#BagongPilipinas